STRANGERS ARE WELCOME


Kay Rebo:Ipagpatawad mo



Ipagpatawad mo kung ngayon lang ulit ako nakadalaw sa iyo.
Halos isang taon rin tayong hindi nagkita. Ang totoo, may mga pagkakataong gusto na kitang kalimutan, gusto na kitang baliwalain, at hindi na ako naniniwala sa iyo. Ang bilis ko kasing mapa-ibig sa iba, ang lakas kasi ng hatak niya.




Sa kanya, hindi ko kailangan maghirap, hindi ko kailangang magtiis. Hindi ko kailang magmartsa ng napakahaba, makipagpatentero sa mga pulis, makipagtago sa mga kinatatakutan nating kaaway na hindi kilala. Hindi kailangang makipagiit, makipaglaban at makipagsigawan na hindi ko alam kung minsan kung may kasiguraduhan ba. Hindi ko kailangan ng puspusang pakikibaka.




Halos isang taon nga rin na nawala ako sa piling mo. Natanggap ko minsan ang mga imbitasyon mo; magkita tayo dito, magkita tayo doon, pero pinili kung magsinungaling at magbigay ng mga dahilan para hindi ako makadalo sa pagkikita natin. Nakonsesnya ako ng mga panahon na iyon.
Sa isang taon kung pagkawala, marami akong mga naging karanasan. Mag karanasan na dati’y pinag-aaralan lang natin sa isang silid kasama ang iba ko pang kaklase na naging bahagi rin ng karanasan ko sa iyo. Kung dati ay halimbawa lang natin ang mga karanasan na iyon sa ating pag-aaral, ngayon labis na labis ko itong nararanasan, hindi man siguro ganoon ka lala pero ganoon ka totoo ang mga halimbawa na iyon.




Pumapasok ako bago pa man sumapit ang ika-pito ng umaga. Kapag naroon na ako, tuloy-tuloy na ang pagtatrabaho ko. Minsan nakakasaglit matulog ng limang minuto bilang pahinga ko, bukod sa pahinga ko sa pagkain ng pananghalian at meryenda—medyo maayos pa naman ang ganito. Pero ito ang nais kung isumbong sa iyo, nakakalungkot isipin na ang naging kapalit ng pagtatatrabaho ko at pagkalayo ko sa iyo, ay ang maging alipin ng mga edukador kapitalista sa pinagtatrabahuan ko. Halos lahat naman kami biktima, hindi man nila napapansina at aminin, lahat kami biktima ng mga edukador kapitalista. Biktima rin kami ng sarili naming hilig sa kakarampot na yaman na ibinabahagi nila.




May nais pa sana akong isumbong sa iyo pero nahihiya ko dahil wala akong nagawa at nanatili na lamang sunud-sunuran sa may makapangayarihan. Assert academic freedom, No to tuition increase para sa mga estudyante, ipagtanggol ang ating karapatan at hinaing, freedom of expression—alam kung lahat ng ito ay madalas nating ipaglaban dati, halos itaya ko pa nga diba ang lahat ng sa akin para lamang maipagtanggol ang mga iyan. Pero nang naroon na ako, wala akong magawa kung hindi ang manahimik at maging tuta, sunudsunuran kung ano ang nais idikta ng amo ko. Nakakalungkot man pero naging ganoon ako. Nahihiya ako sa iyo. Nahihiya ako dahil hindi ko manlang nagawang ipaglaban ang mga kasama ko, ang mga bata. Nalulungkot ako.




Sa kabila ng lahat, kinasasabikan pa rin kita. Nais pa rin kitang makasama pati na ang mga kamag—aaral ko at iba pa. Konting panahon na lang ang titiisin ko at makakasama ulit kita. Gusto ko ulit na makasama kang magmartsa ng napakahaba, makipagpatentero sa mga pulis, makipagtago sa mga kinatatakutan nating kaaway na hindi kilala. Makipagiit, makipaglaban at makipagsigawan, makasama ka sa puspusang pakikibaka. Sa iyo lang talaga ako magiging masaya.




Pabayaan mo, sa aking muling pagbabalik, may iba pa akong makakasama. Iyon naman talaga ang adhikain natin diba—ang magmulat ng mga tulad ko.
Siya nga pala, pakisabi sa mga sumunod sa akin na kasama mo ngayon na sana huwag na nilang tularan kung ano man ang estado ko ngayon dahil magiging biktima din sila. Patawad kung may ganito akong pagtingin dahil ayaw ko lang talagang matulad sila sa akin. Alam ko namang labis mo na silang napa-ibig at naimulat. Kitang-kita ko naman sa kanilang kilos at pananalita.




Sa susunod, gagawin kung mas madalas ang pagdalaw ko.

0 comments: